Maraming bagay sa mundo ang nagbabago sa pagdaan ng panahon. Ang mga tao, tumatanda. Mga gamit, naluluma. Pati ang industriya ng pelikula sa Pilipinas ay ganito rin, nagbabago. Kamakailan lamang nagsimula na magkaroon ng mga Indie film. Simula lamang noong 2005, dahil sa pagkamura ng DV technology, kahit mga simpleng direktor ay nakakabili na, kaya dumami ang ng mga indie film. Bago noon, ang mgamalalaking kumpanya lang ang nakakagawa ng mga pelikula. Kadalasan rin, ang mga pelikula dati ay ginagawa upang pang aliw lamang sa mga manonood. Samantalang ngayon, ginagamit na rin ang mga pelikula upang magpakita ng isang ideya o isang paninindigan tungkol sa isang paksa. Ang Pilipinas ay isang napaka konserbatibong bansa pagdating sa mga paksang pwedeng pagusapan at hindi. At sa pagdaan ng panahon, pati ito ay nagbago. Sa kasalukuyang panahon, mas nagiging bukas na ang Pilipinas, kasama na rin angindustriyang pelikula sa pagtatalakay ng dating bawal o hindi karaniwan na paksa. Isang halimbawa ng paksang ito ay ang mga gay o bakla sa pelikula. Para sa blog na ito nais kong pagusapan kung ano ba ang indie film, ano ang kasalukuyang kalagayan nito sa Pilipinas, at kung ano ba ang pagpapalagay o pagtataya ko tungkol sa mga gay indie films gamit ang mga karakter at kwento o tema. Gagawin ko ito sa pamamaraan ng pag tinginng dalawang gay film at ito ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa ni Alvin B Yapan, at ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros ni Auraeus Solito.
Unang una, ano ba ang kaibahan ng isang mainstream film sa isang independent film (o ang karaniwan nitong tawag na indie film)? Ayon sa diskusyon ni Doktor Nicanor Tiongson, ang mainstream film ay mga pelikula na may malaking badget, at ang pangunahing layunin ay aliwin ang manonood at kumita ng maraming pera. Samantala, ang indie film naman ay nagpapatungkol sa mga bagong pelikula na hindi ginagawa sa loob ng isang studio o ginagawa na hindi nangangailangan ng studio system. Kasama na rin dito, ang gustong gawin ng isang indie film ay ipakita ang paningin o paninindigan ng tagagawa ng pelikula sa isang paksa gamit ng isang napakamasining na pamamaraan. Sa mga mainstream na pelikula, karaniwan na ipinapakita ang hindi masyadong sensitibo na paksa. Hindi katulad ng mga indie film, na kadalasa’y walang kinatatakutan na ipakitang paksa, at ang paksa nito ay madalas ang kahirapan sa lipunan ng Pilipinas.
Ngayon, ano na nga ba ang lagay ng industriyang pelikula ng Pilipinas? Sa kasalukuyan, masasabi na pwede pa sanang maging masmaayos ang industriyang pelikula. Tinuturing na Golden Age ng pelikulang Pilipino ang dekada 50 hanggang dekada 70 dahil noong panahon na iyon ay talagang napakaraming pelikula ang nagawa. Noong panahon na iyon, itinatala na karaniwang mahigit isang daang at animnapung pelikula ang ginagawa kada taon kumpara sa mga karaniwang pitumpu sa kasalukuyan. Masasabi na sa pagkonti ng paglabas ng mga mainstream film ngayon dahil sa iba’t ibang dahilan (katulad ng pampipirata), dumarami naman ang mga indie film. Noong 2010, naitala na 34 na mainstream na pelikula na naipalabas samantalang 44 naman ang sa indie. Makikita na noong 2010, lamang ng sampung pelikula ang naipalabas na indie kaysa sa mainstream at naipapakita nito na tunay na sumisikat ang mga indie films sa bansa.
Gusto ko munang pagusapan Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa ni Alvin B. Yapan. Para sa akin, maartistikong naipakita ang anggulo pagiging bakla sa pelikulang ito dahil sa mga pangunahing karakter na si Marlon at si Dennis. Sa simula ng pelikula, ipinakita na si Marlon, ay may gusto sa kanyang guro sa panitikan na si Karen. Dahil diyan, hindi pa masyadong kahalata agad na siya pala ay magiging isang gay na karakter. Sa sobrang lakas ng pagnanais ni Marlon kay Karen, naisipan niyang magpaturo ng sayaw kay Karen upang mapalapit sa kanya. Upang mapahanga si Karen, nagpaturo na si Marlon ng sayaw kay Dennis bago pa siya nagpaturo kay Karen. Dahil sa laging pagsasama ni Marlon at Dennis, tuloy ay nagkadebelopan sila ng pagnanasa para sa isa’t isa. Nagustuhan ko ang naipakita na transisyon at paglalaki ng karakter ni Marlon sa pelikula. Ito ay dahil sa simula ng pelikula, hindi pa niya talagang gusto si Dennis. Ngunit noong tumagal ang pelikula at nagkaroon sila ng oras na magkasama at mag ensayo sumayaw, nagustuhan rin niya si Dennis. Makikta pa nga na hindi pa agad agad na natanggap ni Marlon na siya pala ay bading at may nararamdaman para kay Dennis. Ngunit, ito naman ay kitang kita sa kanyang pakikipagsayaw kay Dennis. Gusto ko ang naipakita na pagiging katulad ng mga gay sa karaniwang tao. Naipakita nito na kahit ang isang tao’y bakla, lalaki o babae, mayroon din naman silang nararamdaman sa loob, katulad ng lahat ng tao. Gusto ko rin ang dynamic ng bakla na pagsasama ni Marlon at ni Dennis dahil naipakita na parang patas ang lebel nila sa kanilang relasyon. Walang isa na parang babae, at yung isa lalaki. Patas sila sa isa’t isa.
Para sa akin maartistikong naipakita ang pagkakadebelopan nila ng pagnanasa sa isa’t isa sa pamamagitan ng sayaw. Sa unang bahagi ay hindi pa si Marlon at Dennis ganoon kakumportable sa isa’t isa. Kaso nga naman, sa patuloy nilang pagsasayaw, naipakita na naging maskumportable sila sa isa’t isa. Sa totoo lang, nagustuhan ko ang anggulo ng sayaw na nagsilbing tema ng pelikula. Ito ay dahil pakiramdam ko na naging epektibo ang mga ginamit na eksena ng sayaw upang maipakita ang gay na pagsasama noong dalawang pangunahing karakter. Sa pelikula, hindi masyadong nagpokus ang direktor sa paggamit ng mga linyang na talagang sinabi na bakla ang dalawang karakter, ngunit klarong klaro itong naipakita sa mga galaw at sa sayaw ng dalawang karakter. Para sa akin, magaling nilang naipakita ang anggulo bakla na hindi nangangailangang magpakita ng kalaswaan. Dahil dito, nagustuhan ko ang pagiging napaka wholesome at malikhain ng pelikula, ngunit naipakita pa rin ang aspeto ng pagiging gay at interesante pa rin panoorin ang pelikula.
Para sa akin, maganda ang naipakita ng pelikula tungkol sa pagkatao ng mga bakla sa lipunan ngayon. Ito ay dahil sa ipinakita na hindi naman lahat ng mga bading ay malalandi. Gusto ko ang naipakita na kahit bading man ang isang tao, mayroon rin siyang sariling mga problema, damdamin, at mayroon rin namang mga tao na nagmamahal sa kanila. Sa palagay ko, naipakita rin ng Ang Sayaw Ng Dalawang Kaliwang Paa na kahit mga bakla ay maaaring magtaglay ng malakas na pagkatao. Nasabi ko ito dahil buong pusong tinanggap ni Marlon at ni Dennis sa sarili nila na may nararamdaman sila para sa isa’t isa at hindi silang natakot na tanggapin ito. Kaya para sa akin, walang naipakita na kahit anong anyo ng exploitasyon sa mga bakla ang Sayaw Ng Dalawang Kaliwang Paa dahil napaka positibo at maartistiko nitong naipakita ang buhay bakla gamit ang anggulo ng sayaw.
Ang ikalawang pelikula na gusto kong talakayin ay Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros ni Auraeus Solito. Sa pelikulang ito, mayroon ding dalawang pangunahing karakter na bading. Ang unang karakter na ito ay ang bida na si Maximo Oliveros, o Maxi para masmaiksi. Ang pangalawa naman, at hindi masyadong halata na siya ay isang bading na karakter ay ang pulis ng kanilang bayan na si Victor. Si Maxi ay napapabilang sa isang pamilya ng mga magnanakaw. Dahil dito, ang kanyang dalawang kuya at ang kanyang tatay ay napaka malalaki at mabisig. Napakainteresante na kahit ganito ang kanyang pamilya, naging bading si Maxi. Kahit ganito ang sitwasyon ni Maxi, naipakita sa pelikula na mahal na mahal pa rin siya ng kanyang tatay at ng kanyang mga kuya. Nagustuhan ko ito dahil parang para sa akin, nasira nito ang istereotipo na kapag kalalaki lahat ng tao sa isang pamilya at may naging bakla, kawawa ang bakla. Naipakita sa pelikula na hindi naman parati ganito ang nangyayari. Sa katotohanan pa nga, bukod sa si Maxi ang gumagawa ng mga gawaing pambahay, tunay naman na talagang mahal siya at pinapahalagahan siya ng kaniyang pamilya. At ang kanilang pagmamahal ay tunay na naipakita sa bandang hulihan ng pelikula noong namatay na ang kanilang tatay at gustong maghiganti ng kanyang mga kuya. Sa eksenang iyon, sinabi ni Maxi: “wag kayo umalis kuya, paano na ako iiwan niyo akong mag-isa? Mamamatay din kayo?” At pagkatapos noon, hindi na tinuloy ng kanyang mga kuya ang pagtangkang paghihiganti. Nagustuhan ko itong eksena na ito dahil naipakita ang pagiging tunay na tao ng mga bading, na hindi sila takot magpakita ng kanilang mga nararamdaman. At dahil sa pagtigil ng kanyang mga kuya sa paghihiganti, naipakita na talagang masmalakas ang kanilang pagmamahal para kay Maxi, kaysa sa pagnanasa nilang ipaghiganti ang kanilang tatay at ipanganib pa ang kanilang buhay.
Para sa akin, isa pang interesante na napakita ng pelikula tungkol sa mga bakla, ay ang matinding pagnanais ni Maxi na makuha ang pagmamahal ni Victor. May dalawang panig na naipakita ito. Ang positibong panig ay naipakita na ang mga bakla ay mapagmahal at maalaga rin katulad ng karaniwang tao. Ngunit para sa akin, negatibo ang naipakita na matinding pagnanasa ni Maxi para kay Victor. Ito’y dahil unang una, si Maxi ay bata pa lamang, at si Victor ay matanda na. Pangalawa, si Victor ay nag tatrabaho para sa mga pulis na direktang kalaban ng pamilya nila Maxi. Sa dalawang iyan, parang medyo halata naman na hindi talaga pwedeng umibig si Maxi kay Victor, ngunit sinubukan pa rin niya ito. Para sa akin, ipinakita nito na sa isang panig, mahina ang karakter ng bading dahil nangangailangan siya ng lalaking karelasyon. Sa kabilang panig naman, naipapakita rin na malakas ito dahil kahit alam ni Maxi na ganoon ang mga kundisyon, sinubukan pa rin niyang habulin si Victor. Sa huling eksena ng pelikula, ipinakita na si Maxi ay naglalakad papuntang paaralan, at iniwan niya si Victor. Para sa akin, pagkatpos ipakita sa buong pelikula na kailangan niya si Victor, maganda ang pambawi ng huling eksena na nagpakita na kaya rin naman ni Maxi maging masaya kahit wala si Victor.
Katulad ng sa Ang Sayaw Ng Dalawang Kaliwang Paa, para sa akin, maganda ang naipakita ng Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros tungkol sa mga bakla sa lipunan. Naipakita nito na sa gitna ng lahat ng kaguluhan at kahirapan sa buhay, marunong pa rin ang mga tao na tumanggap sa mga bading. Maganda rin ang naipakita ng pelikula na kahit ang mga bakla naman ay kayang magbago para sa ikabuti. Naipakita ito sa hindi na pagnanasa ni Maxi na magkaroon ng relasyon kasama si Victor sa dulo ng pelikula. Kaya para sa akin, wala rin naman masyadong anyo ng exploitasyon ng mga bading na naipakita sa pelikulang ito.
Sa pagtatapos, para sa akin, hindi ako nabastos o nadiri noong pinanood ko ang dalawang pelikula. Para sa akin, ito’y dahil maartistiko nitong naipakita ang buhay at katauhan ng mga bakla, una sa pamamagitan ng sayaw, at pangalawa sa pamamagitan ng paghalo nito sa mga iba’t ibang relasyon ng mga tao sa mga bakla. Pareho rin nilang naipakita ang aspeto ng gay character sa isang napaka positibong paraan. Mayroong mga beses na nabigiyan ito ng negatibong anggulo, pero sa kabuuan mukhang positibo naman ang kinalabasan. Para sa akin, naipakita nitong dalawang pelikula kung ano ba talaga ang essensiya ng isang indie film. Magaling nilang nabigiyang pansin ang paksa (gay karakters) na hindi madalas pinaguusapan sa konserbatibo nating bansa, at naipakita pa nila ito sa isang malikhain at hindi nakakaskandalosong pamamaraan.
Sources:
Bunoan, Vladmir. “The State of Filipino Movies.” ABS-CBN News. ABS CBN, 14 Feb. 2012. Web. 28 Jan. 2013.
Saludo, Ricardo. “Can Indie Films save Philippine Cinema?” Can Indie Films save Philippine Cinema? The Manila Times, 27 Aug. 2012. Web. 29 Jan. 2013.
Gay New Wave Indie Films: Liberation or exploitation talk ni Nicanor g. Tionson, Ph.D.